Nasawi ang isang 27-anyos na babaeng barangay secretary matapos pagbabarilin sa Barangay Dados, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, kahapon ng umaga, Nobyembre 15, 2026.

Kinilala ang biktima na si Norhamina Lumayon Mustapah, kalihim ng Barangay Datu Kilay sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur.

Batay sa ulat ng pulisya, natagpuan ang biktima sa ilalim ng isang open barn sa tabi ng Dados Farm to Market Road bandang alas-1:10 ng hapon, matapos ipagbigay-alam sa himpilan ang pagkakatuklas sa kanyang bangkay.

Sa isinagawang pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives o SOCO, nakarekober ang mga awtoridad ng tatlong basyo ng bala sa damuhan malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon naman sa isang kaibigan ng biktima, patungo sana ito sa SPDA upang bumili ng muffler at sakay ng pulang Honda Wave 100 na may plakang 4064 NF. Nawawala rin ang nasabing motorsiklo at ilan sa mga personal na gamit ng biktima.

Dahil dito, kabilang sa mga tinitingnang motibo ng mga imbestigador ang posibilidad ng pagnanakaw o personal gain.

Patuloy ang hot pursuit operation ng pulisya upang matukoy at maaresto ang suspek, habang nananawagan din ang mga awtoridad sa sinumang may impormasyon hinggil sa insidente na makipag-ugnayan sa kanila.