Arestado ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos ang matagumpay na operasyon ng Libungan Municipal Police Station sa isinagawang search warrant operation sa Purok 7, Poblacion, Libungan, Cotabato noong Mayo 11, 2026.
Sa ulat ng pulisya, ikinasa ang operasyon sa tulong ng iba’t ibang yunit ng Philippine National Police katuwang ang mga barangay officials at media witnesses na naging dahilan upang matagumpay na masamsam ang hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na tinatayang 50.31 gramo at may Standard Drug Price na umaabot sa ₱342,108.00.
Bukod sa hinihinalang shabu, nakumpiska rin ng mga operatiba ang iba’t ibang drug paraphernalia at karagdagang sachet ng ilegal na droga mula sa mga suspek.
Agad namang isinailalim sa maayos na imbentaryo at dokumentasyon ang lahat ng nakuhang ebidensiya bago ito dinala sa Cotabato Provincial Forensic Unit para sa laboratory examination.
Samantala, dinala naman sa himpilan ng pulisya ang mga naarestong suspek para sa medical examination at paghahanda sa pagsasampa ng kaukulang kaso dahil sa paglabag sa Sections 6 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay PCOL Ramel B. Hojilla, Acting Provincial Director ng Cotabato Police Provincial Office o CPPO, nagpapatuloy ang maigting na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga sa lalawigan.
Pinuri rin ni Hojilla ang mabilis at maayos na koordinasyon ng mga operatiba na naging susi sa matagumpay na operasyon.
Binigyang-diin pa nito na patunay ang naturang operasyon sa matibay na determinasyon ng Philippine National Police na maprotektahan ang komunidad at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Cotabato.

















