Halos dalawang libong kasapi ng dalawang Base Commands ng MILF–Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ang opisyal nang kaanib ng Bangsamoro Federalist Party (BFP) matapos ang isinagawang magkahiwalay na pagpupulong at oath-taking ceremony sa punong tanggapan ng partido sa Tamontaka, Cotabato City nitong Sabado, Mayo 30.
Mahigit 2,000 opisyales at kasapi mula sa dalawang base commands ang dumalo sa naturang aktibidad, na nagpatunay ng patuloy na paglawak ng hanay at suporta para sa BFP.
Sa umagang sesyon, pinangunahan ni 104th Base Commander Kashmir Mohammed ang panunumpa ng kanilang mga miyembro. Sumunod naman sa hapon ang hiwalay na pagtitipon na pinangunahan ni 128th Base Commander Yasser Abdulkadir, na dinaluhan rin ng libo-libong kasapi mula sa kanilang hanay.
Ayon sa mga organizer, ipinapakita ng naturang pagtitipon ang lumalakas na pagkakaisa at patuloy na paglawak ng suporta para sa adbokasiya ng BFP, partikular sa pagsusulong ng mapayapa, maayos, at responsableng pamamahala sa Bangsamoro.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang Bangsamoro Federalist Party sa tiwala at suporta ng dalawang base commands ng BIAF at ng mga kasaping komunidad.

















