Nakipagkita ngayong araw ng biyernes, Hunyo 5 si Bangsamoro Federalist Party (BFP) Chairman and President MP Tomanda Antok kay Cotabato Archbishop Charlie Inzon upang talakayin at pagusapan ang mga pangunahing isyu na bumabagabag sa mga kumunidad ng rehiyon kabilang na ang mga programa sa social welfare o pangkalahatang kalinangan, mga inisiyatibong pangkapayapaan, edukasyon at kolaborasyon sa pagitan ng simbahan at ng lokal na pamahalaan.
Sa kalagitnaan ng pagpupulong, nagpalitan ng mahahalagang punto sina Antok at Archbishop Inzon sa pagpapalakas ng mga inisyatibo na nakatutok sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga Bangsamoro at promosyon ng sustenableng peace and development sa mga komunidad kasama na rin ang diskusyon sa importansya ng kolaborasyon at kooperasyon sa pagitan ng mga lider, mga organisasyon sa Civil Society at ng mga nasa Simbahan sa pagtugon sa mga suliranin at mga inisyatibo na may kinalaman sa serbisyo publiko.
Iginiit naman ni Archbishop Inzon sa nasabing pulong kay Antok ang pangangailangan sa etikal at may prinsipyong pamumuno sabay himok sa mga aspiranteng lingkod bayan na mamuno ng may pananagutan at integridad sa bayan at mamamayan.
Nagpaalala din sa mga pulitiko ang arsobispo na ang panunungkulan ay may kaakibat na responsibilidad na paglingkuran ang taumbayan na isa umanong bokasyon at hindi dapat unahin ang pangpersonal na interes.
Sa kabilang dako, pinasalamatan ni Antok ang patuloy na paggampan ng Simbahang Katolika sa pagpapalaganap ng kapayapaan, hustisya at community development sa rehiyon sabay giit nito sa importansya ng pakikipagtulungan ng mga nasa pamahalaan at ng mga faith based institutions upang matugunan ang mga usaping may kinalaman sa lokal na komunidad.
Ang nasabing pulong ay pinagitnaan ni Edgar Ramirez na First Nominee ng Christian Settlers for Peace na naglalayong paglapitin ang simbahan at ang mga lingkod bayan para mapagusapan ang mga bagay na may kinalaman sa kapayapaan, karunungan at social welfare.
Sa pananaw naman ng mga nagmamasid, isa umanong breakthrough ang nasabing pagpupulong at nagpapahayag ito ng patuloy na pagkilos upang mapatatag ang kooperasyon ng ibat ibang sektor sa rehiyon.















