Muling nakasagupa ng tropa ng pamahalaan ang mga hinihinalang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group (DI-HG) sa dalawang magkahiwalay na engkwentro sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao del Sur ngayong Huwebes, Hunyo 5, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra terorismo ng militar sa rehiyon.

Ayon sa 601st Infantry Brigade at 6th Infantry Division, isinagawa ang operasyon matapos ang mahigit isang buwang tuloy-tuloy na Focused Military Operations laban sa mga armadong grupo na iniuugnay sa serye ng pananambang at karahasang naganap sa ilang bahagi ng Maguindanao del Sur.

Pinangunahan ng pinagsanib na tropa ng 38th Infantry Battalion, 64th Division Reconnaissance Company, 34th Infantry Battalion, 90th Infantry Battalion, 1st Mechanized Infantry Battalion, at iba pang yunit sa ilalim ng 601st Infantry Brigade ang operasyon sa pamumuno ni Brigadier General Edgar A. Catu.

Target umano ng operasyon ang natitirang mga miyembro ng DI-Hassan Group sa ilalim ni Marhom Esmael, alyas Marhom, na itinuturing na isa sa mga most wanted personalities sa rehiyon dahil sa mga kasong murder, frustrated murder, at robbery with violence against or intimidation of persons.

Unang sumiklab ang engkwentro bandang alas-5:29 ng umaga sa Barangay Pimbalakan, Mamasapano matapos makasagupa ng mga sundalo ng 38IB sa pamumuno ni 2Lt. Ticar ang hindi pa matiyak na bilang ng armadong kalaban.

Sa isinagawang clearing operation, dalawang matataas na kalibre ng armas ang narekober ng militar kabilang ang isang M16A1 rifle na may apat na long magazine at isang M14 rifle na may apat ding magazine.

Makalipas ang ilang oras, muling nakasagupa ng tropa ng Bravo Company ng 38IB sa pamumuno ni Capt. Baligod ang isa pang armadong grupo sa Barangay Daladap ng nasabing bayan.

Matapos ang ikalawang engkwentro, nabawi ng mga sundalo ang isang Remington R4 rifle at dalawang long magazine na pinaniniwalaang pag-aari ng isang sundalo ng 40th Infantry Battalion na nasawi sa pananambang ng DI-Hassan Group sa Barangay Tuayan 1, Datu Hoffer Ampatuan noong Marso 17, 2024.

Sa kabuuan, tatlong high-powered firearms ang nabawi ng militar mula sa dalawang magkahiwalay na operasyon.

Matatandaang iniuugnay ang DI-Hassan Group sa ilang malalaking insidente ng karahasan sa rehiyon kabilang ang pananambang sa mga sundalo ng 40IB noong Marso 2024 kung saan apat na sundalo ang nasawi, gayundin sa pag-atake sa mga pulis sa Shariff Aguak noong Marso 29, 2026 na ikinasawi ng limang miyembro ng Philippine National Police at ikinasugat ng tatlo pa.

Ayon kay Brigadier General Catu, nagpapatuloy ang kanilang operasyon upang tuluyang mapahina ang natitirang pwersa ng grupong terorista sa rehiyon.

Samantala, sinabi naman ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, na mahalaga ang patuloy na suporta at pakikipagtulungan ng mamamayan, lokal na pamahalaan, at maging ng MILF sa kampanya laban sa terorismo.

Dagdag pa nito, malaking tulong umano ang agarang pagbibigay ng impormasyon mula sa komunidad upang mabilis na matugunan ng militar ang mga banta sa seguridad at maiwasan ang panibagong karahasan sa rehiyon.

Patuloy naman ang Focused Military Operations ng 601st Infantry Brigade at 6th Infantry Division sa iba’t ibang bahagi ng Maguindanao del Sur bilang bahagi ng pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lalawigan.