Patay ang dalawang hinihinalang miyembro ng ISIS-inspired Dawlah Islamiyah-Hassan Group, kabilang ang itinuturing na Regional at Provincial No. 1 Most Wanted Person, matapos makasagupa ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Kinilala ang pangunahing target ng operasyon na si Amar Sansawi Usman, alyas “Akhie Usman” at “Marhan,” habang ang kasama nito ay nakilala lamang sa alyas na “Syok.”
Batay sa ulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), naganap ang engkuwentro dakong alas-5:15 ng umaga noong Nobyembre 8 sa Sitio Bliss, Barangay Kapinpilan, Ampatuan.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office, iba’t ibang yunit ng Philippine National Police, Philippine Army at intelligence counterparts upang ipatupad ang ilang warrant of arrest laban kay Usman.
Ayon sa pulisya, nang makarating ang mga operatiba sa lugar ay nagpakilala ang mga ito bilang mga pulis at hinimok ang dalawang suspek na sumuko nang mapayapa.
Gayunman, nagpaputok umano ng baril ang mga suspek kaya napilitang gumanti ng putok ang mga operatiba bilang pagtatanggol sa sarili.
Kapwa nagtamo ng mga tama ng bala ang dalawang suspek at agad na isinugod sa Bangsamoro Regional Medical Center matapos bigyan ng paunang lunas. Subalit kapwa idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Nahaharap si Usman sa iba’t ibang warrant of arrest kaugnay ng mga kasong murder, frustrated murder, robbery with homicide, robbery with violence against or intimidation of persons, at paglabag sa Anti-Carnapping Act of 2016.
Iniuugnay rin umano ang dalawa sa ilang insidente ng pamamaril, gun-for-hire activities, carnapping ng mga motorsiklo, at pananambang sa mga tauhan ng PNP sa Shariff Aguak noong Marso 28, 2026.
Narekober naman sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang kalibre .45 na pistola, isang improvised Uzi submachine gun, mga magazine, bala at mga basyo ng bala.
Sa pahayag ni PRO-BAR Regional Director PBGEN Christopher M. Abecia, pinuri nito ang mga operatiba ng PNP at Armed Forces of the Philippines sa kanilang naging operasyon.
Ayon kay PBGEN Abecia, magpapatuloy ang intelligence-driven operations at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya upang matiyak na mapanagot sa ilalim ng batas ang mga indibidwal na may kinakaharap na mga kaso.

















