Nasawi ang isang hinihinalang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group (DI-HG), habang dalawa pa ang nasugatan matapos makasagupa ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya sa Barangay Kuloy, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur, dakong alas-6:00 ng umaga ngayong Huwebes, Nobyembre 12.

Ayon kay Lt. Col. Loqui O. Marco, Commanding Officer ng 90th Infantry Battalion, bahagi ito ng Joint Law Enforcement Operation na isinagawa upang isilbi ang mga warrant of arrest laban kina Tahir Salik alyas Joross Salik o Zubair at Samin Tagal alyas Samin, kapwa iniuugnay sa DI-Hassan Group.

Nahaharap ang mga ito sa mga kasong murder, frustrated murder at robbery.

Isinagawa ang operasyon sa Sitio Taligba, Barangay Kuloy, ng mga tauhan ng 601st Infantry Brigade sa pangunguna ng 90th Infantry Battalion, katuwang ang 34th Infantry Battalion, Shariff Aguak Municipal Police Station at PNP Special Action Force.

Gayunman, nauwi sa palitan ng putok ang pagsisilbi ng mga warrant matapos umanong magpaputok ang mga suspek habang papalapit ang mga operatiba sa kanilang kinaroroonan.

Matapos ang tinatayang 15 minutong engkuwentro, isang miyembro ng grupo ang nasawi at dalawa pa ang nasugatan.

Narekober naman sa lugar ang dalawang M16 rifle at isang caliber .45 pistol, gayundin ang mga magasin at bala.

Binigyang-diin ni Brig. Gen. Gremel B. Brual, Commander ng 601st Infantry Brigade, ang patuloy na pakikipagtulungan ng militar sa kapulisan sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng seguridad sa mga komunidad.

Muli rin niyang hinikayat ang mga indibidwal at grupong sangkot sa armadong karahasan na sumuko, talikuran ang kanilang mga ilegal na gawain at tahakin ang landas ng pagbabago.

Samantala, pinuri ni Maj. Gen. Edgar L. Catu, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, ang mga yunit ng militar at pulisya na lumahok sa operasyon.

Nagpasalamat din siya sa lokal na pamahalaan at mamamayan sa kanilang patuloy na suporta at pakikiisa sa mga hakbang para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Central at South Central Mindanao.

Muli niyang iginiit ang kahalagahan ng koordinasyon ng mga awtoridad at pakikipagtulungan ng publiko sa pagpigil sa mga kriminal na gawain at pagtiyak sa kaligtasan ng mga komunidad.