Kinumpirma ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nasa ilalim na ng El Niño condition ang bansa matapos maabot ng temperatura sa Tropical Pacific Ocean ang itinakdang antas noong May 2026.
Sa inilabas na El Niño Advisory ng PAGASA kahapon, June 9, sinabi ng ahensya na may mahigit 80 porsiyentong posibilidad na lalo pang lumakas ang naturang weather phenomenon at maaaring tumagal hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Ayon sa PAGASA, ang El Niño ay karaniwang nagdudulot ng mas mababang dami ng pag-ulan sa maraming bahagi ng bansa na maaaring humantong sa matinding init, kakulangan sa suplay ng tubig, at tagtuyot lalo na sa mga lugar na umaasa sa regular na pag-ulan.
Gayunman, nilinaw ni Ms. Gleziel May D. Pedrico, Chief Meteorological Officer ng PAGASA Cotabato, na hindi nangangahulugang mawawala agad ang ulan sa mga susunod na buwan dahil kasalukuyan pa ring umiiral ang Habagat o southwest monsoon mula June hanggang September.
Ipinaliwanag ni Pedrico na maaari pa ring makaranas ng pag-ulan, at sa ilang pagkakataon ay mas malalakas pa, lalo na sa mga kanlurang bahagi ng bansa gaya ng Western Luzon at Western Visayas dahil sa epekto ng Habagat na maaaring mapalakas ng El Niño sa simula nito.
Dagdag pa niya, posible ring magkaroon ng malalakas na pag-ulan kung may mga bagyo o low pressure area na magpapalakas sa southwest monsoon.
Subalit pagsapit ng September hanggang October, inaasahang mas mararamdaman ang epekto ng El Niño kung saan unti-unting mababawasan ang pag-ulan habang mas iinit ang temperatura sa bansa.
Babala ng PAGASA, maaaring maranasan ang matagal na tagtuyot na posibleng makaapekto sa agrikultura, suplay ng tubig, at produksyon ng pagkain hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Dahil dito, hinihikayat ng ahensya ang publiko at mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng kaukulang paghahanda kabilang ang pagtitipid ng tubig at paghahanda sa parehong matinding init at posibleng pagbaha dulot ng Habagat sa mga susunod na buwan.
Patuloy namang binabantayan ng PAGASA ang galaw ng El Niño at ang mga magiging epekto nito sa klima at lagay ng panahon sa bansa.

















