Pormal na sumuko ang 11 miyembro ng mga Local Terrorist Groups (LTGs) at isinuko ang ilang matataas na kalibre ng armas at pampasabog sa isinagawang peace ceremony sa Camp Datu Akilan, Ampatuan, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur ngayong araw, June 10, 2026.
Pinangunahan ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office ang seremonya sa pamumuno ni Provincial Director PCOL Michael John C. Mangahis katuwang ang iba’t ibang law enforcement at military units kabilang ang MAPIO, RIU 15, NICA, PECU, SAF, at 601st Brigade ng Philippine Army.
Nakiisa rin sa aktibidad ang Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur sa ilalim ni Governor Datu Ali M. Midtimbang bilang bahagi ng patuloy na kampanya para sa kapayapaan at reintegration program ng gobyerno.
Ayon sa mga awtoridad, kabilang sa mga sumuko ang limang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) mula sa Karialan at Bungos factions habang anim naman ang mula sa grupo ni Commander Saga Animbang.
Kasabay ng kanilang pagsuko ay isinuko rin ng mga dating rebelde ang improvised explosive devices (IEDs), rocket-propelled grenade, iba’t ibang loose firearms, at live ammunition na agad isinailalim sa kustodiya ng Philippine National Police para sa kaukulang disposisyon.
Sa pahayag ng isa sa mga kinatawan ng grupo, nagpasiya umano silang talikuran ang armadong pakikibaka at mamuhay nang mapayapa kasama ang kanilang pamilya at komunidad.
Binigyang-diin ng mga awtoridad na malaking hakbang ang naturang pagsuko upang mabawasan ang banta ng karahasan at terorismo sa Maguindanao del Sur.
Kasabay nito, isinailalim sa dokumentasyon at profiling ang mga surrenderers upang maisama sila sa reintegration program ng pamahalaan.
Namahagi rin ng livelihood assistance at certificates of reintegration sa mga sumuko bilang suporta sa kanilang pagbabagong-buhay.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni PCOL Mangahis na bunga ng pagkakaisa ng mga ahensya ng gobyerno at suporta ng lokal na pamahalaan ang matagumpay na peace ceremony.
Hinimok din niya ang mga dating miyembro ng armadong grupo na maging inspirasyon sa iba upang piliin ang kapayapaan kaysa karahasan.

















