Nanawagan ng masusing imbestigasyon at pananagutan ang ama ng yumaong Ateneo Blue Eagles player na si Divine Adili matapos itong masawi sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8.
Matatandaang kinumpirma ng Ateneo de Manila University ang pagpanaw nina Adili at rookie player na si Rene Clert Baterbonia matapos umano silang malunod habang isinasagawa ang aktibidad ng koponan.

Sa isang Facebook post noong Hunyo 12, ipinahayag ni Elias Adili ang matinding pagdadalamhati ng kanilang pamilya at ang panawagan para sa hustisya kaugnay ng sinapit ng kanyang anak.
Ayon sa kanya, malaki ang naging ambag ni Divine sa Ateneo basketball program at sa mga internasyonal na torneo kung saan nito kinatawan ang Nigeria. Iginiit din niya na nararapat lamang na mabigyang-linaw ang mga pangyayari na humantong sa pagkamatay ng kanyang anak.
Ipinahayag din ng ama ang paniniwala na may kapabayaan na maaaring naging sanhi ng insidente, dahilan upang hilingin niya ang pananagutan ng mga dapat managot.

Sa kasalukuyan, nakaburol ang labi ni Adili sa Arlington Memorial Chapel sa Quezon City, habang naiuwi na sa Davao City ang labi ni Baterbonia.
Patuloy namang hinihintay ang resulta ng mga imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye at mga pangyayaring nagdulot ng trahedya na ikinasawi ng dalawang manlalaro.

Blue