Naitala ng mga eksperto ang pag-angat ng bahagi ng baybayin sa bayan ng Glan, Sarangani kasunod ng Magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa karagatan ng Sarangani noong June 8, 2026.
Ayon sa DOST-PHIVOLCS at Mines and Geosciences Bureau (MGB) Region XII, nagsagawa sila ng aerial survey noong June 11 upang suriin ang epekto ng malakas na lindol sa mga komunidad at imprastraktura sa lalawigan ng Sarangani.
Sa isinagawang inspeksyon, naobserbahan ang tinatawag na co-seismic coastal uplift o pag-angat ng lupa sa baybayin, gayundin ang ilang pagguho ng lupa (landslides) sa mga bahagi ng Glan, Sarangani at sa mga karatig na lugar sa timog na bahagi ng Glan at Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Batay sa paunang obserbasyon, ang mga coral na dati ay nakalubog sa dagat ay tuluyang nalantad matapos umangat ang bahagi ng dalampasigan. Sa Brgy. Pangyan, Glan, tinatayang umangat ang baybayin ng humigit-kumulang dalawang metro habang umatras naman ang shoreline ng nasa 200 metro mula sa dating lokasyon nito.
Ipinaliwanag ng mga eksperto na ang pagbabagong ito sa baybayin ay direktang epekto ng malakas na paggalaw ng lupa dulot ng lindol noong June 8.
Patuloy namang nagsasagawa ng masusing pagsusuri ang mga kinauukulang ahensya upang matukoy ang lawak ng pinsala at iba pang geolohikal na pagbabago sa mga apektadong lugar.

















