Binigyang-diin ni Prof. Hashim B. Manticayan ang kahalagahan ng pagkakaisa, reconciliation, at patuloy na pagpapalakas ng ugnayan sa iba’t ibang sektor ng komunidad matapos siyang dumalo sa isang kanduli na inihanda ni dating Cotabato City Mayor Atty. Cynthia Guiani-Sayadi kasama ang kanyang pamilya, mga kaibigan, at mga tagasuporta.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Manticayan na naging makahulugan ang naturang pagtitipon dahil nagbigay ito ng pagkakataon upang higit pang mapalalim ang pagkakaunawaan at pagkakapatiran sa pagitan ng iba’t ibang sektor ng komunidad.

Ayon kay Manticayan, mahalaga ang mga ganitong pagtitipon sa pagsusulong ng kapayapaan, pagkakasundo, at pagkakaisa sa Cotabato City at sa buong Bangsamoro.

Ibinahagi rin niya na nakita niya ang suporta ni Guiani-Sayadi sa tuloy-tuloy na pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB at sa mga layunin ng peace process na naglalayong makamit ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.

Bukod dito, ikinatuwa rin ni Manticayan ang ipinakitang suporta ng dating alkalde sa United Bangsamoro Justice Party o UBJP, gayundin sa pagsusulong ng Moral Governance at Genuine Autonomy para sa Bangsamoro.

Nagpasalamat naman si Manticayan sa mainit na pagtanggap sa kanya sa pagtitipon at nagpahayag ng pag-asang magbubukas pa ito ng mas maraming pagkakataon para sa pag-uusap, pagkakaisa, at sama-samang paglilingkod para sa kapakanan ng mamamayang Bangsamoro.