Nanawagan ang pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa publiko, lalo na sa mamamayang Bangsamoro, na maging mapanuri at huwag basta maniwala sa mga kumakalat na impormasyon sa social media na hindi nagmumula sa kanilang opisyal na pahayag.

Sa isang pahayag na inilathala sa opisyal na Facebook page ni Moro Islamic Liberation Front Central Committee Chairman at United Bangsamoro Justice Party o UBJP President Al Haj Murad Ebrahim, nilinaw na walang katotohanan ang isang kumakalat na post at hindi ito inilabas o inaprubahan ng pamunuan ng MILF.

Binigyang-diin ng organisasyon na nananatili itong nakatuon sa pagsusulong ng pagkakaisa, kapayapaan, at kapakanan ng mamamayang Bangsamoro. Anila, hindi nila sinusuportahan ang pagpapakalat ng maling impormasyon na maaaring magdulot ng kalituhan, hindi pagkakaunawaan, at pagkakahati-hati ng komunidad.

Dahil dito, hinikayat ng MILF ang publiko na tiyaking beripikado ang anumang impormasyong kanilang nababasa o ibinabahagi at dumulog lamang sa mga opisyal na plataporma ng organisasyon para sa tamang impormasyon.