Umani ng atensyon sa social media ang video ng isang bihirang puting unggoy na namataan sa kagubatan ng Barangay Kilangil, sa bayan ng Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat.
Sa ibinahaging video ng netizen na si “Tuklas ni Lhem,” makikitang kakaiba ang kulay ng naturang unggoy kumpara sa iba pang karaniwang makikita sa kagubatan.
Batay sa mga ulat at obserbasyon, ang naturang hayop ay pinaniniwalaang isang Philippine long-tailed macaque (Macaca fascicularis philippensis) na may albinism o leucism.
Ayon sa mga eksperto, ang albinism ay isang bihirang genetic condition kung saan kulang o walang melanin sa katawan ng hayop. Dahil dito, nagiging maputi ang balahibo nito, maputla ang balat, at kadalasang kulay rosas o mapula ang mga mata.
Karaniwang matatagpuan ang Philippine long-tailed macaque sa mga kagubatan, bakawan, at baybaying lugar sa Pilipinas. Gayunman, napakabihira ng mga unggoy na may ganitong kondisyon. Ayon sa mga eksperto, nangyayari lamang ang albinism kapag parehong taglay ng magulang ang recessive gene na responsable sa naturang kondisyon.
Ayon pa sa mga residente, ilang beses na ring namataan ang naturang puting unggoy at sinasabing hindi ito agresibo at tila sanay na sa presensya ng mga tao.
Samantala, sa panibagong update na ibinahagi ng uploader ng video, sinabi nitong iminungkahi nila sa pamahalaang barangay ang pagbuo ng isang ordinansa para sa proteksyon ng naturang unggoy.
Ayon pa sa uploader, isinara na rin sa publiko ang lugar kung saan namataan ang hayop upang maiwasan ang anumang panggugulo at matiyak ang kaligtasan nito.
Wala pa namang inilalabas na opisyal na pahayag ang mga kinauukulang awtoridad kaugnay ng naturang hakbang.

















