Natagpuang wala nang buhay ang isang babae na pinaniniwalaang kabilang sa mga nawawala sa naganap na pagguho ng lupa sa Calanogas, Lanao del Sur matapos matagpuan ang kanyang bangkay na palutang-lutang sa isang ilog sa Sitio Malade, Barangay Pialot, Malabang, ngayong araw Biyernes, Hulyo 10.
Kinilala ang biktima sa alyas na “Nur,” isang may asawa at nasa hustong gulang na residente ng Barangay Ngenger, Calanogas, Lanao del Sur.
Batay sa ulat ng Malabang Municipal Police Station (MPS), bandang 4:49 ng hapon nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Malabang hinggil sa pagkakatagpo ng bangkay ng isang babae na palutang-lutang sa ilog.
Agad na rumesponde ang mga pulis sa lugar at pagsapit ng alas-5:00 ng hapon ay narekober ang bangkay. Dinala ito sa gilid ng kalsada upang maisagawa ang wastong pagkilala sa biktima.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na ang nasabing bangkay ay pinaniniwalaang isa sa mga nawawala matapos ang pagguho ng lupa sa Calanogas, kung saan tinatayang 11 katao ang iniulat na nawawala. Pinaniniwalaang tinangay ng rumaragasang baha dulot ng Bagyong “Inday” ang biktima hanggang sa mapadpad ito sa ilog sa Malabang.
Matapos ang pagkilala, agad na inangkin ng pamilya ang labi ng biktima at iniuwi sa kanilang tahanan.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Malabang MPS sa mga kinauukulang ahensya at patuloy na minomonitor ang sitwasyon kaugnay ng pinsalang idinulot ng bagyo sa lugar.

















