Umabot na sa 51,158 pamilya ang naapektuhan ng malawakang pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dulot ng tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan na bunsod ng Southwest Monsoon o Habagat, na pinalakas pa ng Super Typhoon Inday.

Batay sa pinakahuling datos ng Bangsamoro Rapid Emergency Action on Disaster Incidence (BARMM-READi) hanggang alas-6:00 ng gabi ng Hulyo 10, 2026, lima ang kumpirmadong nasawi, apat ang nasugatan, habang pito pa ang patuloy na nawawala.

Nakapagtala rin ang BARMM-READi ng 14 na napinsalang kabahayan, kung saan siyam ang tuluyang nawasak at lima ang bahagyang nasira.

Patuloy ring minomonitor ng mga awtoridad ang 3,560 na nasa active evacuation, habang nagpapatuloy ang paghahatid ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha.

Kabilang sa mga apektadong lugar sa Maguindanao del Norte ang mga bayan ng Buldon, Datu Blah T. Sinsuat, Datu Odin Sinsuat, Parang, Matanog, Northern Kabuntalan, Sultan Kudarat, at Sultan Mastura.

Sa Maguindanao del Sur, kabilang sa mga naapektuhan ang Sultan sa Barongis, Guindulungan, Datu Anggal Midtimbang, Talayan, Datu Abdullah Sangki, Datu Hoffer Ampatuan, Mamasapano, Pandag, at Rajah Buayan.

Apektado rin ang mga bayan ng Pahamuddin at Datu Saudi Ampatuan sa Special Geographic Area (SGA), gayundin ang Bongao, Tawi-Tawi.

Samantala, nananatiling nasa Blue Alert Status ang buong lalawigan ng Lanao del Sur habang nagpapatuloy ang epekto ng sama ng panahon.

Patuloy ang panawagan ng READi-BARMM sa publiko na manatiling alerto, sumunod sa mga abiso ng mga lokal na pamahalaan, at makipag-ugnayan sa mga kinauukulang awtoridad sakaling mangailangan ng agarang tulong.