Naniniwala si dating Presidential Spokesperson Atty. Salvador Panelo na maaaring humantong sa tuluyang pagkabuwag ng International Criminal Court (ICC) ang pagkalas ng mga bansang kasapi nito.

Ito ay kasunod ng inilunsad na “whole-of-government campaign” ng Estados Unidos na hikayatin ang iba pang mga bansa na kumalas sa ICC, dahil sa umano’y banta nito sa pambansang soberaniya.

Ipinahayag ni Panelo ang kanyang suporta sa hakbang ng administrasyon ni U.S. President Donald Trump na bawasan ang impluwensiya ng international tribunal sa pamamagitan ng pag-isolate at pag-alis ng suporta rito.

Ayon sa dating opisyal, panahon na upang matigil ang umano’y panghihimasok ng ICC sa mga bansang hindi naman kasapi nito. Aniya, ilegal at mapanghimasok ang pag-usig ng tribunal sa mga bansang tulad ng Pilipinas at Estados Unidos na hindi na miyembro ng ICC.

Binanggit din ni Panelo ang pag-aresto at pagkakakulong ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague bilang halimbawa ng umano’y ilegal na panghihimasok ng ICC, kasabay ng kanyang pahayag na dapat nang matigil ang mga ganitong hakbang laban sa mga bansang hindi saklaw ng tribunal.

Samantala, nilinaw ng Malacañang na hindi saklaw ng Pilipinas ang polisiya ng Estados Unidos kaugnay ng ICC. Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, iginagalang ng pamahalaan ang posisyon ng U.S., ngunit mananatiling nakatuon ang bansa sa pagpapatupad ng sarili nitong mga batas.