Arestado ang isang 22-anyos na lalaki, na kinilala lamang sa alyas na Al, matapos makuhanan ng tinatayang 100 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na P680,000 sa isinagawang COMELEC Anti-Criminality Checkpoint sa Jose Lim Street, Barangay Poblacion 5, Cotabato City, bandang 8:00 ng umaga ngayong Huwebes, Hulyo 16.

Ayon sa Cotabato City Police Office (CCPO), nagsasagawa ng COMELEC Anti-Criminality Checkpoint ang mga operatiba sa pangunguna ni Police Captain Anuar M. Mambatao nang parahin ang suspek na sakay ng isang itim na Honda RS 125 na motorsiklo.

Sa isinagawang inspeksyon, napansin ng mga pulis ang sling bag na dala ng suspek. Nang kusang-loob nitong buksan ang bag, nadiskubre ang dalawang malaking heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting kristalinong substansya na hinihinalang shabu.

Agad na inaresto ang suspek at dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang imbestigasyon.

Isinagawa ang inventory, pagmamarka, at dokumentasyon ng mga nakumpiskang ebidensya sa harap ng mga kinatawan mula sa barangay, media, at Department of Justice alinsunod sa itinakdang proseso.

Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek.