Umakyat na sa 26 ang bilang ng mga nasawi dulot ng Southwest Monsoon o Habagat na pinalakas ng nagdaang Bagyong Inday, ayon sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa ulat, Sarangani ang may pinakamaraming naitalang nasawi na umabot sa 10, kasunod ang Lanao del Sur na may 7. Naitala rin ang apat na nasawi sa Davao Occidental, dalawa sa Zamboanga Sibugay, dalawa sa Bukidnon, at isa sa Iloilo.

Bukod sa mga nasawi, umabot naman sa siyam ang naitalang nasugatan, habang 14 na katao ang nananatiling nawawala.

Sa kabuuan, mahigit 244,000 pamilya, o higit isang milyong indibidwal, ang naapektuhan ng malawakang pagbaha at iba pang epekto ng habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Samantala, nagpapatuloy ang search and rescue operations at pamamahagi ng tulong ng mga lokal na pamahalaan at iba pang kinauukulang ahensya para sa mga apektadong residente, habang patuloy ring hinahanap ang mga nawawalang indibidwal.