Nasamsam ng mga tropa ng 601st Infantry Brigade sa ilalim ng 6th Infantry (Kampilan) Division ang limang matataas na kalibreng baril, mga bala, magazine, at improvised explosive devices (IEDs) sa isinagawang military operation sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao del Sur nitong Martes, Hulyo 21.

Isinagawa ang operasyon dakong alas-7:30 ng umaga sa pakikipagtulungan ng 34th Infantry “Reliable” Battalion matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang sibilyan hinggil sa pinagtataguan ng Paneneklan Group.

Ayon sa militar, natunton ng mga tropa ang pinagtataguan ng grupo kung saan narekober ang limang matataas na kalibreng baril, iba’t ibang magazine at mga bala, gayundin ang mga improvised explosive devices o IEDs.

Ayon pa sa 6th Infantry Division, ang Paneneklan Group ay isang lawless armed group na iniuugnay sa Dawlah Islamiyah-Hassan Group (DI-HG) at pinaniniwalaang sangkot sa paggamit ng mga pampasabog, pag-atake, at iba pang aktibidad na nagdudulot ng banta sa seguridad sa rehiyon.

Sinabi ni 601st Infantry Brigade Commander Brigadier General Edgar Catu na naging matagumpay ang operasyon dahil sa pakikipagtulungan ng mga sibilyan sa pagbibigay ng impormasyon. Aniya, malaking dagok sa kakayahan ng armadong grupo ang pagkakasamsam ng mga armas at pampasabog, lalo na sa nalalapit na halalan.

Samantala, pinuri naman ni 6th Infantry Division at Joint Task Force Central Commander Major General Jose Vladimir R. Cagara ang mga tropang nagsagawa ng operasyon. Ayon sa kanya, patunay ito ng kahandaan at dedikasyon ng mga sundalo sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad, kasabay ng pagpapatuloy ng intelligence-driven military operations laban sa mga armadong grupo sa Central Mindanao.