Nadakip ng pinagsanib na puwersa ng 601st Infantry Brigade at 34th Infantry Battalion ang isa sa mga lider ng Panenekelan Group habang nagpapatuloy ang Decisive Military Operations sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano, Maguindanao del Sur kahapon Hulyo 21, 2026.
Ayon kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade at Assistant Division Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division, kinilala ang nadakip na si alyas Mus, na isa umanong lider ng Panenekelan Group at miyembro ng Dawlah Islamiyah-Hassan Group (DI-HG).
Sinabi rin ni Catu na si alyas Mus ay kabilang sa Top 2 Regional Most Wanted Person sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Nahaharap umano siya sa mga kasong murder at bombing at matagal nang iniuugnay sa mga insidente ng pangingikil at iba pang kriminal na aktibidad sa Central Mindanao.
Ayon kay Catu, malaking dagok sa Panenekelan Group ang pagkakadakip kay alyas Mus at patunay ito ng patuloy na kampanya ng militar laban sa mga armadong grupong naghahasik ng karahasan at pananakot sa rehiyon.
Samantala, sinabi naman ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, na ang matagumpay na operasyon ay nagpapakita ng pinaigting na kampanya ng kasundaluhan laban sa mga armadong grupo na nagbabanta sa kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Dagdag pa ni Cagara, magpapatuloy ang intelligence-driven military operations ng 6th Infantry Division, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad, lalo na sa nalalapit na BARMM Parliamentary Election. Hinikayat din niya ang mga natitirang miyembro ng armadong grupo na magbalik-loob sa pamahalaan at piliin ang landas ng kapayapaan.

















