Nagsagawa ng inspeksyon ang Cotabato City Police Office matapos makatanggap ng ulat ng umano’y bomb threat sa J. Marquez National High School sa Barangay Mother Poblacion, Cotabato City kagabi July 22.
Ayon sa Police Station 1, bandang alas-8:16 ng gabi nang iulat ng mga opisyal ng Barangay Mother Poblacion at isang concerned citizen ang natanggap na banta sa pamamagitan ng text message.
Agad na rumesponde ang mga pulis ng Police Station 1 sa pangunguna ni Police Captain Anuar M. Mambatao at nakipag-ugnayan sa City Explosive and Canine Unit (CECU) upang magsagawa ng masusing inspeksyon sa paaralan.
Matapos ang pagsusuri sa buong gusali at mga silid-aralan, walang nakitang kahina-hinalang bagay o improvised explosive device (IED). Idineklara ng mga awtoridad na negatibo ang resulta ng isinagawang inspeksyon.
Samantala, pinayuhan ng mga pulis ang nagreport na manatiling mapagmatyag at agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad o indibidwal na mapapansin sa lugar.

















