Nakahanda nang ideploy ang mga sundalo ng 28th Infantry “Kamagong” Battalion ng 10th Infantry “Agila” Division upang tumulong sa pagpapatupad ng seguridad para sa 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections matapos makapasa sa Battalion Evaluation and Certification Program (BECP).

Idinaos kahapon July 24 ang send-off ceremony at pagtatapos ng BECP sa pansamantalang himpilan ng batalyon sa Sitio Estremos, Barangay Poblacion, Magpet, Cotabato, sa pangunguna ni Major General Alvin Luzon, Commander ng 10th Infantry Division.
Sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Elben Naval, ang mga sundalo ng 28th Infantry Battalion ay magpapalakas sa election security operations ng Armed Forces of the Philippines sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang bahagi ng paghahanda para sa nalalapit na parliamentary elections.

Ayon sa militar, pinatunayan ng isinagawang Battalion Evaluation and Certification Program ang kahandaan ng yunit sa pagsasagawa ng mga operasyon at pagtupad sa mga misyong ipagkakatiwala sa kanila.
Samantala, hinimok ni Major General Luzon ang mga sundalo na manatiling propesyonal, walang kinikilingan sa pulitika, at tapat sa kanilang tungkulin upang makatulong sa pagtiyak ng mapayapa, maayos, ligtas, at kapani-paniwalang halalan sa BARMM.


















