Nagdaos ng peace dialogue ang 33rd Infantry (Makabayan) Battalion katuwang ang 602nd Infantry (Liberator) Brigade upang mapag-usapan ang umiiral na alitan sa pagitan ng grupo ni Mayor Rhenz Tukuran at ng pamilyang Dalandang sa isinagawang pulong sa headquarters ng 33IB sa Barangay Salunayan, Midsayap, Cotabato kahapon Hulyo 27.

Dinaluhan ang dayalogo ng mga kinatawan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bangsamoro Transition Authority, mga lokal na opisyal, kinatawan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), at iba pang stakeholder na nagsilbing tagapamagitan sa pag-uusap ng magkabilang panig.

Sa pulong, muling tinalakay ang mga naunang napagkasunduan upang matukoy ang mga isyung nananatiling hindi nareresolba at mabigyang-linaw ang mga pangyayaring naging ugat ng umiiral na tensyon. Nabigyan din ng pagkakataon ang bawat panig na maihayag ang kanilang saloobin at mga mungkahi sa isang maayos na talakayan.

Tinalakay rin ang mga posibleng hakbang upang maiwasan ang muling paglala ng sigalot at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga apektadong komunidad, alinsunod sa umiiral na batas at sa layuning makamit ang mapayapa at pangmatagalang resolusyon.

Nagbigay rin ng kani-kanilang rekomendasyon ang magkabilang panig bilang batayan sa mga susunod na hakbang ng mga kinauukulang ahensya habang nagpapatuloy ang koordinasyon sa pagitan ng militar, kapulisan, lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholder upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.