Nagpahayag ng pakikiramay si National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan sa pamilya, mga mahal sa buhay, at mga kasamahan ng pulis na nasawi sa isang aksidente sa kalsada matapos makumpleto ang 24-oras na security deployment kaugnay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong July 27.
Ayon kay Calinisan, isang masakit na pangyayari ang pagkamatay ng pulis matapos nitong gampanan ang tungkulin sa paglilingkod sa bansa. Binigyang-diin niya na hindi lamang dapat kilalanin ang sakripisyo ng mga pulis, kundi tiyakin din ang kanilang kaligtasan, sapat na pahinga, at kapakanan upang makauwi silang ligtas sa kanilang mga pamilya.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente, sinabi ng opisyal na nagsisilbi itong paalala sa kahalagahan ng pangangalaga sa kapakanan ng mga alagad ng batas, hindi lamang sa panahon ng kanilang serbisyo kundi maging pagkatapos ng kanilang mga operasyon.
Nakikiisa rin aniya ang NAPOLCOM sa pagdadalamhati ng pamilya ng nasawing pulis at ng buong Philippine National Police.
Inatasan na rin ni Calinisan ang mga kinauukulang tanggapan ng NAPOLCOM na makipag-ugnayan sa PNP at iba pang ahensya upang mapabilis ang pagproseso ng mga benepisyong nakalaan para sa mga naulila ng nasawing pulis.

















