Isang lalaki na kinilala lamang sa alyas na El ang nasawi, habang isa pang lalaki na kinilalang alyas Rik ang nasugatan sa naganap na armadong sagupaan sa Sitio Esmar, Purok 7A, Barangay Estado, Matalam, Cotabato kahapon July 29.
Sa ulat ng Matalam Municipal Police Station, lumitaw na naganap ang insidente bandang alas-2:30 ng hapon. Agad na rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa putukan sa lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, pinaniniwalaang may kaugnayan ang insidente sa matagal nang hindi pagkakaunawaan ng dalawang panig hinggil sa pagmamay-ari ng lupain.
Dahil sa palitan ng putok, binawian ng buhay sa mismong lugar si alyas El. Samantala, si alyas Rik ay nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan at kanang braso at agad na dinala sa ospital upang malapatan ng lunas.
Matapos ang insidente, pinalakas ng mga awtoridad ang presensya ng seguridad sa lugar. Naka-deploy ang mga tauhan ng Matalam Municipal Police Station, Cotabato Police Intelligence Unit, 1st Cotabato Provincial Mobile Force Company, at Bravo Company ng 40th Infantry Battalion upang maiwasan ang panibagong karahasan at matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang mabatid ang buong pangyayari at matukoy ang pananagutan ng mga sangkot sa insidente.

















