Nabaklas ng mga operatiba ng Police Regional Office 12 (PRO-12) ang isang hinihinalang drug den at naaresto ang limang indibidwal, kabilang ang isang High-Value Individual o HVI, sa isinagawang operasyon sa bayan ng Libungan, Cotabato ngayong araw ng Agosto 3, 2026.
Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng pagpapatupad ng search warrants bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga.
Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 95.12 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang Standard Drug Price na P646,816.00, kasama ang iba’t ibang drug paraphernalia.
Ayon sa PRO-12, isinagawa sa lugar ng operasyon ang tamang pagmamarka at imbentaryo ng mga nakuhang ebidensya sa harap ng mga kinakailangang saksi, alinsunod sa umiiral na batas at mga itinakdang proseso.
Pinuri naman ni Acting Regional Director PBGEN Alan B. Manibog ang mga operatibang nagsagawa ng operasyon. Aniya, patunay ang matagumpay na pagsalakay na walang puwang ang mga drug den at mga sangkot sa ilegal na droga sa SOCCSKSARGEN.
Iginiit din ni Manibog na magpapatuloy at higit pang paiigtingin ng PRO-12 ang kampanya laban sa ilegal na droga upang maprotektahan ang mga komunidad at matiyak ang kaligtasan ng publiko.

















