Nasabat ng Police Regional Office 10 ang mahigit P640,000 halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo habang tatlong indibidwal ang naaresto sa dalawang magkahiwalay na checkpoint operation sa Lanao del Norte at Iligan City kahapon, August 3.

Sa unang operasyon na isinagawa bandang alas-9:10 ng umaga sa Barangay Samburon, Linamon, Lanao del Norte, naaresto ang dalawang suspek na nakilala sa mga alyas na Waler, 27-anyos, at isang menor de edad. Kapwa residente ang mga ito ng Zamboanga Sibugay.

Nakumpiska mula sa kanilang sasakyan ang 500 reams ng Greenhill Menthol cigarettes na may tinatayang halagang P400,000.

Samantala, sa ikalawang checkpoint operation bandang alas-10:50 ng umaga sa Barangay Maria Cristina, Iligan City, naaresto rin ang isang 44-anyos na suspek na nakilala sa alyas na Rini, residente ng Lanao del Sur.

Narekober sa kanyang sasakyan ang 300 reams ng Modern cigarettes na nagkakahalaga ng P240,000, kabilang ang mga kahong nakatago umano sa isang modified compartment.

Ayon sa pulisya, walang naipakitang kaukulang dokumento ang mga suspek na magpapatunay sa legal na transportasyon at pagmamay-ari ng mga nasabing sigarilyo.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga kinauukulang himpilan ng pulisya ang mga naaresto, habang nakatakdang isailalim sa Bureau of Customs ang mga nakumpiskang kontrabando at mga sasakyan para sa kaukulang disposisyon.

Posible namang maharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.