Nagdagdag na ng mga tauhan ang Philippine Army upang palakasin ang seguridad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kaugnay ng nalalapit na kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa Setyembre 14.

Ito ang kinumpirma ni Philippine Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, na nagsabing bukod sa mga tropang nakatalaga na mula sa 6th Infantry Division, 1st Infantry Division, at 11th Infantry Division, nagpadala rin sila ng karagdagang puwersa mula sa 28th Infantry Battalion, 75th Infantry Battalion, 2nd SRB, at Joint Special Operations Team ng kanilang headquarters.

Ayon kay Dema-ala, ang mga naturang tropa ay magsisilbing augmentation force upang higit pang mapalakas ang seguridad sa rehiyon habang papalapit ang halalan.

Bagama’t hindi niya tinukoy ang eksaktong bilang ng mga idinagdag na sundalo, sinabi niyang ang isang battalion ay karaniwang binubuo ng mahigit 500 tauhan.