Idineploy ng 1st Brigade Combat Team o 1BCT ng Philippine Army ang Task Force 92 sa Maguindanao bilang bahagi ng paghahanda para sa ligtas at mapayapang Bangsamoro Parliamentary Elections 2026.

Isinagawa ang send-off ceremony para sa mga tauhan noong Agosto 5, 2026 sa Headquarters ng 1BCT sa Fort Ramon Magsaysay, Nueva Ecija.

Pinangunahan ang seremonya ni Brigadier General Von Albert M. Sumergido, Commander ng 1BCT, na nagpaalala sa mga idineploy na sundalo na panatilihin ang propesyonalismo, disiplina at integridad sa kanilang pagtupad sa tungkulin.

Binigyang-diin din ng militar ang kahalagahan ng pagiging neutral o hindi pagkiling sa anumang kandidato o grupo, gayundin ang paggalang sa karapatang pantao habang isinasagawa ang kanilang misyon.

Binubuo ang Task Force 92 ng mga tauhan mula sa mga attached units ng 1BCT na magsisilbing suporta sa seguridad sa panahon ng halalan.

Bukod sa security operations, magsasagawa rin ang task force ng community engagement at paiigtingin ang koordinasyon sa mga katuwang na ahensya upang makatulong na matiyak ang ligtas at maayos na pagboto ng mga mamamayan sa BARMM.

Ayon sa Philippine Army, bahagi ang deployment ng kanilang suporta sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan at pagprotekta sa demokratikong proseso sa rehiyon.