Arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang isang lalaki na umano’y sangkot sa gunrunning operation sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Isinagawa ang operasyon dakong alas-singko ng hapon noong Agosto 10, 2026 sa Barangay Salbo, sa bisa ng mga paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Batas Pambansa Bilang 881 o Omnibus Election Code.

Nagsagawa ng operasyon ang CIDG Cotabato City Field Unit, CIDG Maguindanao Provincial Field Unit, 42nd Special Action Company ng PNP-SAF, Provincial Intelligence Unit ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office at Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station.

Ayon sa ulat na nakarating kay CIDG Director PMGEN Robert AA Morico II, nahuli umano ang suspek habang naghahatid at nagbebenta ng dalawang M4A1 carbines na walang kinakailangang permit at lisensya.

Ayon pa sa CIDG, kapwa hindi rehistrado ang dalawang nakumpiskang armas na isinailalim na sa kaukulang dokumentasyon at proseso bilang bahagi ng imbestigasyon.

Isinagawa ang operasyon bilang bahagi ng OPLAN Paglalansag Omega at ng kampanya ng pulisya laban sa mga loose firearms at illegal gunrunning.

Iniuugnay din ng CIDG ang operasyon sa pagpapatupad ng election gun ban sa BARMM, lalo’t papalapit ang Bangsamoro Parliamentary Elections.

Patuloy naman ang CIDG sa operasyon laban sa mga nagmamay-ari, nagbebenta at gumagamit ng mga baril na walang kaukulang lisensya at rehistrasyon.