Isang malakas na lindol na may magnitude 7.7 ang tumama sa silangang bahagi ng Indonesia madaling-araw ngayong Sabado, ayon sa Indonesia’s Feophysics Agency.

Kasunod ng pagyanig, naitala ang maliliit na tsunami waves na wala pang isang metro ang taas sa ilang lugar na naapektuhan.

Ayon kay Dodi Yuleova, tagapagsalita ng national disaster mitigation agency, agad na nagsilikas palabas ng kanilang mga tahanan ang maraming residente matapos maramdaman ang malakas na pagyanig na tumagal nang halos isang minuto sa mga lugar ng Nagekeo at Bima.

Wala namang agad na naiulat na malawakang pinsala sa mga imprastraktura sa kabila ng lakas ng lindol.

Samantala, makikita sa isang beripikadong video mula sa Maumere sa Flores Island ang ilang bahagi ng gusali na bumagsak habang nagkakagulo at nagsitakbuhan ang mga residente.

Sa distrito naman ng Ende sa East Nusa Tenggara Province, isinagawa ang paglilikas sa mga pasyente ng isang ospital bilang pag-iingat sa kanilang kaligtasan.

Batay sa tala ng BMKG, unang naitala ang lindol ganap na alas-4:58 ng madaling-araw, sa lalim na 15 kilometro, at sinundan ito ng ilang aftershocks.

Samantala, sinabi ng tsunami warning centre ng Australia na walang banta ng tsunami sa mainland Australia, mga isla at teritoryo nito dahil sa naturang lindol sa ilalim ng dagat.