Nasawi ang isang apat na taong gulang na batang babae matapos umano siyang painumin ng gatas na may halong lason sa daga ng kanyang 52-anyos na lola sa Don Carlos, Bukidnon noong gabi ng Agosto 13.
Ayon sa Don Carlos Municipal Police Station, nagsimula ang insidente sa pagtatalo ng mga lolo’t lola ng bata na may kaugnayan umano sa usapin ng pera at gastusin sa pamilya.
Rumesponde ang mga pulis sa kanilang bahay matapos ireport ang alitan, ngunit umalis umano ang lolo ng bata matapos nito.
Batay sa imbestigasyon, matapos umalis ang kanyang asawa ay naghanda umano ang lola ng gatas sa bote at hinaluan ito ng zinc phosphide, isang nakalalasong kemikal na ginagamit bilang pamatay ng daga.
Ipinainom umano niya ito sa kanyang apo bago rin siya uminom ng naturang lason.
Agad na dinala sa Bukidnon Provincial Hospital sa Maramag ang maglola para malapatan ng lunas, subalit hindi na nailigtas ang bata at nasawi bago mag-ala-una ng madaling-araw noong Agosto 14.
Nasawi rin ang 52-anyos na lola bandang alas-kuwatro ng hapon sa parehong araw.
Samantala, lumitaw sa follow-up report ng pulisya na may mabigat nang pinagdaanang trahedya ang pamilya ng bata.
Ang ina ng apat na taong gulang na biktima, na kinilalang si alyas Kim, ay nasawi rin noong Marso 2023 matapos umano siyang patayin ng kanyang live-in partner.
Dalawampu’t dalawang taong gulang lamang noon si alyas Kim, at matapos ang kanyang pagkamatay ay napunta sa pangangalaga ng kanyang mga magulang ang kanyang anak.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang kumpletong mga pangyayari.

















