Inaresto ng mga awtoridad ang isang 41-anyos na lalaki matapos umanong tagain sa ulo ang isang 40-anyos na magsasaka dahil sa pagtatalo hinggil sa mga sanga ng kape sa Purok 4, Barangay Sil-ipon, Libona, Bukidnon noong tanghali ng Sabado, Agosto 15, 2026.

Batay sa imbestigasyon ng Libona Municipal Police Station (MPS), nililinis at pinuputol umano ng biktima ang mga sanga ng kape at pansamantalang inilagay ang mga ito sa daanan habang siya ay nanananghalian.

Muntik umanong maaksidente ang suspek na sakay ng motorsiklo dahil sa mga nakaharang na sanga. Dahil dito, hinanap niya ang biktima at nakipagtalo rito sa bahay kung saan ito kumakain ng tanghalian.

Bagama’t umalis ang suspek matapos ang komprontasyon, bumalik umano ito na may dalang 19-pulgadang sundang at walang pag-aatubiling tinaga ang biktima sa kaliwang bahagi ng ulo.

Matapos ang insidente, kusang-loob na sumuko ang suspek sa mga rumespondeng pulis at kasalukuyang nakakulong sa himpilan ng Libona MPS kasama ang nakumpiskang patalim habang inihahanda ang pormal na pagsasampa ng kaso laban sa kanya.