Naglabas na ng warrant of arrest ang korte laban kay Hadji Muhtamad Mayor Arsina Kahing Nanoh at pitong iba pa, kaugnay ng madugong insidente sa Basilan noong Mayo 12, 2025 na ikinasawi ng tatlong katao.
Ayon sa Regional Trial Court Branch 2 sa Isabela City, kabilang sa mga kasong isinampa ang tatlong murder, dalawang frustrated murder at isang attempted murder.
Walang itinakdang piyansa para sa mga kasong murder, habang P200,000 ang piyansa sa bawat frustrated murder at P100,000 naman para sa attempted murder.
Bukod kay Mayor Nanoh, kabilang din sa mga inisyuhan ng warrant sina Nadz Nanoh, Walihul Allama, Hji. Rahim Kahim, Lucman Kahing, Tudy Bayro at Singh Hassan, kasama ang pitong John Does.
Inatasan ng korte ang mga awtoridad na ipatupad ang mga warrant at dalhin sa hukuman ang mga akusado.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag si Mayor Nanoh tungkol sa warrant, bagama’t una na niyang itinanggi ang anumang pagkakasangkot sa mga paratang laban sa kanya.

















