Pinaigting ng 601st Infantry Brigade ang pakikipag-ugnayan nito sa tatlong lokal na pamahalaan sa Maguindanao del Sur bilang bahagi ng paghahanda para sa ligtas at mapayapang BARMM Parliamentary Elections 2026.
Personal na nakipagpulong si BGen. Gremel B. Brual, Commander ng 601st Infantry “Unifier” Brigade, kina Sultan sa Barongis Mayor Datu Allandatu M. Angas Sr., Mamasapano Mayor Akmad Ampatuan Jr., at Shariff Saydona Mustapha Mayor Sajid Andre Ampatuan kahapon Agosto 21.
Tinalakay sa magkahiwalay na pag-uusap ang mga usapin hinggil sa seguridad, kapayapaan at kaayusan sa kani-kanilang mga lugar bago, habang at pagkatapos ng halalan.
Binigyang-diin ni Brual ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na koordinasyon at palitan ng impormasyon sa pagitan ng militar at mga lokal na pamahalaan upang agad na matukoy at matugunan ang mga posibleng banta sa seguridad.
Ayon sa brigade commander, mahalaga ang pagtutulungan ng security forces, LGUs at iba pang stakeholders upang matiyak na makaboboto ang mga mamamayan nang malaya, ligtas at walang pangamba.
Tiniyak naman ng 601st Brigade ang patuloy na pakikipagtulungan nito sa mga lokal na pamahalaan at concerned agencies bilang bahagi ng paghahanda para sa BARMM Parliamentary Elections 2026.

















