Hinimok ni BARMM Chief Minister at Bangsamoro Federalist Party Chairman and President Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua ang kanyang mga tagasuporta na iwasang batikusin o atakihin ang ibang political party sa nalalapit na halalan.

Sa kanyang mensahe sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces o BIAF na dumalo sa kanyang panunumpa bilang bagong pinuno ng Bangsamoro Federalist Party noong Agosto 15 sa Barangay Gambar, Kabuntalan, Maguindanao del Norte, sinabi ni Macacua na mas dapat umanong ituon ang kampanya sa pagpapaliwanag ng kanilang plataporma.

Partikular niyang binanggit ang United Bangsamoro Justice Party o UBJP, Bangsamoro Party, Mahardika Party at Progresibong Bangsamoro Party, na aniya ay pinamumunuan o kinabibilangan ng mga personalidad na naging bahagi rin ng kanilang pakikibaka noon.

Ayon kay Macacua, hindi kailangang siraan ang ibang partido upang maipakita ang sariling paninindigan sa halalan.

Sa halip, hinikayat niya ang kanyang mga tagasuporta na ipalaganap ang kanilang plataporma upang magkaroon ng sapat na impormasyon ang mga botante sa pagpili ng kanilang mga kandidato.

Ang panawagan ay bahagi ng mensahe ni Macacua sa gitna ng paghahanda ng mga political party para sa unang BARMM Parliamentary Elections na nakatakda sa Setyembre 14, 2026.