Nanawagan si Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM Chief Minister at Bangsamoro Federalist Party Chairman and President Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua sa mga tagasuporta ng kanyang partido na iwasang atakihin o siraan ang ibang partidong kalahok sa paparating na halalan.

Sa kanyang mensahe sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces o BIAF na dumalo sa kanyang panunumpa bilang bagong pinuno ng Bangsamoro Federalist Party noong Agosto 15, 2026 sa Barangay Gambar, Kabuntalan, Maguindanao del Norte, sinabi ni CM Macacua na dapat sa plataporma ng kanilang partido ituon ang kampanya.

Kabilang sa kanyang binanggit na dapat iwasang atakihin ang United Bangsamoro Justice Party o UBJP, Bangsamoro Party, Mahardika Party at Progresibong Bangsamoro Party.

Ayon kay CM Macacua, may mga personalidad sa naturang mga partido na naging bahagi ng kanilang pakikibaka at kasaysayan, kaya hindi dapat mauwi sa personal na pag-atake ang kampanya.

Sa halip, hinikayat niya ang kanilang mga tagasuporta na ipaliwanag at ipalaganap ang plataporma ng Bangsamoro Federalist Party upang magkaroon ng sapat na impormasyon ang mga botante sa pagpili ng kanilang mga kandidato.

Aniya, ang mahalaga ay makapili nang maayos ang mga botante sa darating na Bangsamoro Parliamentary Elections.