Nagsagawa ng inter-agency operation ang National Bureau of Investigation o NBI at Bureau of Immigration o BI sa Alicia at Siay, Zamboanga Sibugay, kaugnay ng umano’y human trafficking, immigration violations at iba pang transnational criminal activities.

Sinuportahan naman ng Joint Task Force ZAMPELAN, sa pamamagitan ng Joint Task Group IGSOON ng 102nd Infantry Brigade, ang operasyon para sa seguridad ng mga tauhan at lugar na sakop nito.

Batay sa isinagawang intelligence gathering, tinatayang 200 foreign nationals ang nasa mga lugar na sinalakay, habang patuloy na bineberipika ang kanilang immigration status at posibleng pagkakasangkot sa anumang ilegal na aktibidad.

Sinusuri rin ng mga awtoridad ang posibilidad na may ilang indibidwal na biktima ng trafficking, exploitation, coercion, illegal recruitment at restriction of movement.

Tinatayang 2,000 mobile phones, kasama ang maraming computers, laptops at iba pang electronic equipment, ang narekober sa operasyon at sinusuri dahil sa posibleng koneksyon sa umano’y scam activities.

Patuloy ang dokumentasyon, validation at forensic examination sa mga nakuhang kagamitan, habang hindi pa inilalabas ng NBI at BI ang validated na bilang ng mga na-process na foreign nationals, mga posibleng naaresto at kasong isasampa.