Isinusulong ni Bangsamoro Member of Parliament Mohagher M. Iqbal ang pagbuo ng isang “rainbow coalition” sa BARMM bilang hakbang umano tungo sa pagkakaisa ng mga Bangsamoro.
Sa kaniyang post na pinamagatang “Real versus unreal,” sinabi ni Iqbal na hindi pa dapat ituring na pinal ang anumang kasunduan sa pagbuo ng susunod na pamahalaang Bangsamoro hangga’t hindi ito pormal na napagkakasunduan at nalalagdaan.
Ayon kay Iqbal, nakadepende pa rin sa magiging bargaining position ng mga partidong pampulitika ang pagbuo ng pamahalaan, habang kailangan ding timbangin ng national government kung anong political formula ang higit na magsisilbi sa pambansang interes.
Iginiit din niya na ang mga pahayag hinggil sa pagkakaroon na ng sapat na bilang para makabuo ng pamahalaan sa BARMM ay hindi pa umano nangangahulugan na pinal na ang magiging political arrangement.
Samantala, sinabi ni Iqbal na personal niyang pabor ang isang “rainbow coalition” para sa pagkakaisa, kasunod ng kaniyang obserbasyon na nahati ang mga Bangsamoro matapos ang parliamentary elections.
Binanggit din niya ang mga insidenteng kinasangkutan ng mga supporters ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP, kabilang ang limang nasawi at 43 nasugatan, at nanawagan sa mga pamilya ng mga biktima na magtiwala sa rule of law at sa proseso ng hustisya.
Ayon pa kay Iqbal, maaaring tangkilikin ang naturang political arrangement ng mga maliliit na partido na nakakuha lamang ng isa o dalawang puwesto sa Parliament.
Ibinahagi rin niya na maaaring magkaroon ng dahilan ang Moro National Liberation Front o MNLF na suportahan ang naturang formula, matapos umanong walang makuhang puwesto sa Parliament ang mga partidong Mahardika, BaPa at Mushawara.
Sa pananaw ni Iqbal, ang ganitong uri ng coalition ay maaaring magbigay-daan sa isang mas nagkakaisang BARMM sa halip na isang watak-watak na rehiyon.

















