Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa bayan ng Talacogon, Agusan del Sur, sa naganap na pamamaril pasado alas-2 kaninang madaling araw (Sabado) sa Purok Anthurium, Barangay San Agustin, na ikinasawi ng isang 15-anyos na estudyante at ikinasugat ng dalawang iba pa.

Kinilala ang nasawi sa alyas na Franco, residente ng naturang barangay, na isinugod pa sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Samantala, kinilala ang dalawang sugatan na sina Leah Mea, 23-anyos, residente ng Barangay Coalicion, at isang 13-anyos na kinilalang si alyas Martin, residente ng Barangay Nuevo, pareho mula sa bayan ng San Luis, Agusan del Sur, at patuloy na ginagamot sa naturang ospital.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, pauwi na sana ang mga biktima matapos manood ng konsiyerto nang mangyari ang insidente.

Inaalam pa ng pulisya ang alegasyon na habang naglalakad umano ang mga biktima ay sinigawan at binato nila ang mga sakay ng dalawang motorsiklong dumaan sa kanila na hinabol pa umano nila.

Pagdating sa unahan, dito na umalingawngaw ang mga putok ng baril at tinamaan ang 15-anyos na si Franco.

Agad namang nakarating sa lugar ang ina ng biktima, ngunit pawang pag-iyak na lamang ang kanyang nagawa matapos makita ang sinapit ng kaniyang anak.

Matapos ang pamamaril, tumakas ang suspek patungo sa bayan ng San Luis, Agusan del Sur.