Ipatutupad ang asynchronous learning sa lahat ng antas ng edukasyon sa Cotabato City mula Oktubre 26 hanggang 31, 2026, bilang paghahanda sa Inaugural Session ng First Bangsamoro Regular Parliament at sa mga kaugnay na hakbang sa seguridad.

Batay sa inilabas na anunsyo, saklaw ng nasabing kaayusan ang lahat ng antas, kabilang ang graduate at professional programs.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa loob ng nasabing panahon.

Sa ilalim ng asynchronous learning arrangement, inaasahang magbibigay ang mga guro ng mga learning materials at aktibidad na maaaring kumpletuhin ng mga mag-aaral sa loob ng itinakdang panahon.

Binigyang-diin din sa anunsyo ang kahalagahan ng pagsunod sa naturang kaayusan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro habang isinasagawa ang mga paghahanda para sa naturang pagtitipon.

Pinapayuhan ang mga mag-aaral na manatiling updated sa mga anunsyo ng kanilang mga paaralan at sundin ang mga panuto ng kanilang mga guro hinggil sa mga aralin at takdang-gawain sa panahon ng asynchronous learning.