Arestado ng mga awtoridad ang isang lalaking kabilang sa Top 8 most wanted person sa regional level at Top 1 sa provincial level dahil sa mga kasong may kaugnayan sa terorismo, frustrated murder, at paglabag sa batas hinggil sa mga baril at bala sa Barangay Meta, Datu Unsay, Maguindanao del Sur.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na Aripi Adam, na naaresto dakong alas-2:45 ng hapon noong Oktubre 24, 2026, sa bisa ng mga nakabinbing warrant of arrest laban sa kanya.
Pinangunahan ng Shariff Aguak Municipal Police Station, katuwang ang iba pang yunit ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office, ang operasyon sa koordinasyon ng Datu Unsay Municipal Police Station.
Ayon sa Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region, iniuugnay rin si Lusod sa insidente ng pagpapaputok ng rocket-propelled grenade o RPG sa Shariff Aguak noong Enero 25, 2026, na umano’y naglalayong puntiryahin si Mayor Akmad “Mitra” Ampatuan.
Narekober mula sa suspek ang isang M4 rifle na kalibre 5.56 millimeter, isang magazine na may kapasidad na 45 bala, at 35 live ammunition, kabilang ang isang bala na nakalagay sa chamber ng baril.
Dinala ang naarestong suspek sa Shariff Aguak Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at iba pang legal na proseso.

















