Sugatan ang dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos ang aksidenteng pagsabog ng explosive material sa barracks ng Explosive Ordnance Disposal Unit–Southwestern Mindanao sa Zamboanga City, dakong alas-10:39 ng gabi noong Sabado, Oktubre 24.
Ayon sa opisyal na pahayag ng PCG, naghahanda ang dalawang tauhan para sa nalalapit na Explosive Ordnance Reconnaissance Agent o EORA training nang aksidenteng sumabog ang low-explosive material na ginagamit sa kanilang lecture.
Agad na isinugod ang dalawa sa Ciudad Medical Hospital para sa pagpapagamot. Kapwa sila may malay nang dumating sa ospital at patuloy na sumasailalim sa gamutan.
Nilinaw naman ng PCG na walang kaugnayan sa terorismo ang insidente at itinuturing itong aksidenteng pagsabog habang hinahawakan at inihahanda ang explosive material sa loob ng pasilidad ng ahensiya.
Patuloy na iniimbestigahan ng PCG ang insidente upang matukoy ang mga pangyayari sa likod ng aksidenteng pagsabog.

















