Pormal nang natanggap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang liham ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Central Committee Chairman at dating Bangsamoro interim chief minister Alhaj Murad Ebrahim, habang inaayos na ng Malacañang ang petsa ng kanilang nakatakdang pagpupulong.

Ito ang kinumpirma ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro nang tanungin ng Bombo Radyo sa press briefing na inorganisa ng Presidential Communications Office (PCO) sa CDO ngayong araw.

Ayon kay Castro, natanggap na ng Pangulo ang liham at pinaplantsa na lamang ang pinal na iskedyul ng pagpupulong nina Marcos at Murad.

Matatandaang lumiham si Murad sa Pangulo nitong Oktubre upang talakayin ang panukalang pagbuo ng rainbow coalition sa unang regular na Bangsamoro Parliament.

Sa naturang panukala, inaasahang mapag-uusapan ang posibleng kooperasyon ng iba’t ibang grupo sa Parliament sa gitna ng pagbuo ng bagong pamahalaang Bangsamoro.

Dagdag ni Castro, bukas ang Pangulo na makinig sa mga mungkahi para sa kapakanan ng nakararami, partikular ng mga mamamayan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Wala pang inilalabas na pinal na petsa para sa pagpupulong habang nagpapatuloy ang pagsasaayos ng iskedyul ng dalawang panig.