Tiniyak ng militar ang kahandaan ng mga puwersang panseguridad sa Cotabato City para sa inaugural session ng Bangsamoro Parliament at pagpili ng bagong Chief Minister na nakatakda bukas Oktubre 30.

Sa naging pahayag ni 6th Infantry Division at Joint Task Force Central Commander BGen. Edgar L. Catu, sinabi nitong hindi dapat maging kampante sa paghahanda sa seguridad at mas pinipili nilang maging maingat kaysa magkulang sa pagtugon sa anumang posibleng insidente.

Ipinaliwanag ni Catu na bagama’t matagal nang nakatalaga sa lungsod ang ilang puwersang panseguridad, inaasahang dadami ang mga bisita dahil sa naturang pagtitipon.

Kabilang sa mga kailangang paghandaan ang daloy ng trapiko at agarang pagtugon sa anumang insidente.

Katuwang ng militar sa pagpapatupad ng seguridad ang Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology at Philippine Coast Guard upang matiyak ang koordinasyon ng mga puwersa at mapanatili ang kaayusan sa lungsod sa araw ng sesyon.