Sugatan ang isang babae matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng isang laundry shop sa Sitio Lumpong, Poblacion Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, dakong alas-sais kagabi Oktubre 30.
Kinilala ang biktima na si alyas Thel, residente ng nasabing lugar. Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagsasaayos at nagtutupi umano ng mga damit ang biktima nang lapitan ito ng suspek at sadyang barilin.
Agad namang tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon. Isinugod ng mga concerned citizen ang biktima sa DOS District Hospital para sa agarang pagpapagamot.
Rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station upang magsagawa ng ocular investigation. Inilunsad din ang hot pursuit operation habang tinutukoy ang posibleng mga saksi.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng suspek.

















