Nagsasagawa ng fact-finding ang Ministry of the Interior and Local Government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o MILG-BARMM kaugnay ng pagkakasabat sa tinatayang P800,000 halaga ng hinihinalang puslit na sigarilyo sa Iligan City.
Ayon sa MILG-BARMM, isang barangay rescue vehicle na umano’y nagmula sa Marawi City ang nasangkot sa nasabing insidente na nangangailangan pa ng beripikasyon.
Inaalam ngayon ng ahensya ang mga pangyayari upang matukoy kung may pagkukulang sa administrasyon o posibleng paglabag na kinasasangkutan ng mga opisyal o tauhan ng barangay.
Siniguro ng MILG-BARMM na magsasagawa ito ng kaukulang aksyon kung may sapat na ebidensya, alinsunod sa umiiral na batas at proseso.
Binigyang-diin din ng ahensya na walang puwang ang ilegal na aktibidad sa mga institusyon ng pamahalaan at dapat managot ang sinumang mapatunayang lumabag sa batas.

















