Nagtalaga ng bagong mga opisyal sa dalawang mahahalagang tanggapan ang 6th Infantry (Kampilan) Division ng Philippine Army sa isinagawang joint change-of-office ceremony noong Oktubre 29 sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Itinalaga si Colonel Elmer M. Boongaling bilang bagong Chief of Staff ng 6ID, na humalili kay Colonel Manuel Leo Q. Gador.

Samantala, si Lieutenant Colonel June Mark P. Matugas naman ang itinalagang Acting Assistant Chief of Staff for Civil-Military Operations o Acting G7, kasunod ng pag-turn over ni Colonel Rey C. Rico ng kanyang mga tungkulin.

Pinangunahan ni 6ID at Joint Task Force Central Commander Brigadier General Edgar L. Catu ang seremonya, na kinabilangan ng paggawad ng mga parangal, paglagda sa mga kautusan ng relinquishment at assumption, at pormal na turnover ng mga simbolo ng tanggapan.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Catu ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng pamumuno, pananagutan at pagtutulungan upang mapanatili ang mga nagawa ng command at maisakatuparan ang misyon nito sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa Central Mindanao.