Nasawi ang isang hinihinalang senior leader ng New People’s Army (NPA) matapos ang pinagsanib na operasyon ng militar at pulisya sa Barangay Silway 8, Polomolok, South Cotabato, dakong alas-8:30 kagabi Oktubre 30, 2026.
Kinilala ang nasawi na si Noel Pamaong, alyas “Lauro” at “Santi,” na sinasabing Head ng Regional Instructors Bureau ng Communist Terrorist Group. May kinakaharap siyang kasong Multiple Attempted Homicide at warrant of arrest na inilabas noong Hulyo 6, 2023 ng Regional Trial Court Branch 26 sa Surallah, South Cotabato.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng 1st Mechanized Brigade at 603rd Infantry Brigade, katuwang ang mga operatiba ng South Cotabato Police Provincial Office. Narekober naman sa lugar ang isang kalibre .45 na pistola at isang hand grenade.
Binigyang-diin ni 6th Infantry Division at Joint Task Force Central Commander Brigadier General Edgar L. Catu ang kahalagahan ng koordinasyon ng militar at pulisya, gayundin ang pakikiisa ng publiko sa pagtukoy at pagpigil sa mga banta sa seguridad.
Muling tiniyak ng 6ID ang patuloy na pakikipagtulungan nito sa mga ahensiya ng law enforcement at mga lokal na komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Central at South Central Mindanao.

















